Saksi ako sa pagsubok na dumating
sa iyo Inang bayan. Nakita ko kung paano wasakin ng delubyo ang iyong mga
tahanan, ang kanlungan ng iyong mga mahal sa buhay. Nakita ko rin kung paano
hambalusin ng hangin at tangayin ng
nagngangalit na alon ang iyong kabuhayan,ang iyong mga ikinabubuhay.
Takot at
pangamba ang bumabalot sa puso mo sa mga panahong hinahagupit ng hangin ang
iyong mga anak
bayan. May ilan na tinangay ng agos ng tubig, tinamaan ng
lumilipad na mga gamit, nadaganan ng mga bumagsak na bahay at puno, namatay
kasama ng kaniyang pamilya. At sa pagsapit ng dilim sa unang gabi pagkatapos ng
hagupit ng halimaw na delubyo, di pa rin humuhupa ang iyong takot dahil sa
pagkakawalay mo sa ilan sa mga mahal mo sa buhay. Kalunos lunos na larawan ang
tumambad sa iyo sa sumunod na araw. Ang dating paligid na puno ng ligaya at
pag-asa ay napawi ng kagibal gimbal na katotohanan na ang bayan mong
pinakamamahal ay nakalugmok sa takot at kawalang pag-asa.
Nagkalat kung saan sann ang mga di pinalad na mabuhay...mga nakalutang sa
dagat, mga inanod sa dalampasigan, mga naipit sa sarili nilang bahay, bata,
matanda, mayaman o mahirap, may pinag-aralan o wala, walang itinangi ang
halimaw na lumusob at kumitil ng maraming buhay,mga bahay at ikinabubuhay.
Nawalan ka ng kaibigan, nalagasan
ka ng mahal sa buhay, nawalan ka ng ama, ng ina, ng asawa, ng kapatid, ng
kamag-anak. At sa paglipas ng araw tila nawawalan ka na rin ng dignidad at
pag-asa na bumangon at muling harapin ang isang walang katiyakang bukas sa
bayan mong pinakamamahal.
Ang bawat patak ng luha, ang
bawat sigaw ng kawalan at paghahanap, ang bawat daing ng gutom at uhaw ng iyong
mga anak ay naririnig ko. Ang bawat lamig ng hangin na dumadampi sa basa mong katawan
na nanlilimahid habang kumakalam ang sikmura ay aking nababatid. Halong lungkot
dahil sa kawalan ng mahal sa buhay, takot at gutom dahil walang makain at
maisapin sa katawang pinahina ng isang gabi at isang araw na pakikipagsapalaran
para mabuhay.
Saan at paano ka magsisimula? Saan
ka patutungo Inang bayan? Nasaan na ang iyong dangal? Sino ang tutulong sa iyo?
Sino ang lalapitan mo? Marahil ilan lamang ito sa mga tanong na pumapasok sa
isip mo.
Wala ako sa tabi mo ng mga
sandaling iyon, pero di ko alam kung bakit ganun na lang ang pagkabagabag ko
habang dahan dahang lumalapit ang halimaw na Yolanda sa lugar ng mga anak mo. Na
tila ba naririig ko ang bawat pintig ng iyong puso at ang bawat kaba at
pagkabalisa. Mula sa malayo, inuusal ko ang dalangin. Malayo ako sa iyong
piling pero ako may anak mo rin na nag-aalala sa kanyang mga nakababata at
nakatatandang kapatid.
Di ko mahanap ang tamang salitang
dapat bigkasin ng aking mga labi, tanging patak ng luha at mahinang pagtangis
ang aking naiusal sa harap ng aking Maykapal. Pagkatapos ng dalanging ito, isang maliwanag
na pangitain ang aking nakita mula sa ating Ama ng may akda ng lahat ng bagay
at pangyayari sa mundo.
Ibabangon kita Pilipinanas. Tatawagin
ko ang iyong mga kapatid mula sa iba’t-ibang bayan at bansa, iba’t-ibang kulay
at propesyon, ibat-ibang relihiyon at paniniwala. Bubuklurin ko sila sa diwa ng
PAGKAKAISA at PAGDADAMAYAN. Muli kang babangon. Di kita iiwang nakalugmok. Papalitan
ko ng ngiti ang bawat luha. Iaangat ko ang dangal ng isang PILIPINO.
Magtatayo tayo ng bagong bahay na
disente para sa bawat nasalanta, ang lupa ay muling bubungkalin para sa mga
bagong pananim. Magiging masagani ang bawat ani. Muli kong bubuhayin ang
komersyo, ang pangisdaan at ang agrikultura, maging ang tourismo. Ang bawat
mapait na lalaala ay papalitan ko ng isang magandang simula hanggang sa
tuluyang maalis ang dating takot at mga pangamba. Ang bawat bayan na maglalaan
ng tulong ay aking pagpapalain, ang bawat pamilya at indibidwal na di nagkait
ng tulong ay aking pagpapalain din. Ang bawat kompanya na naghatid ng tulong sa
ibat-ibang kaparaanan ay aking kikilalanin. Bawat isa ay may nakalaang gantimpala ayon sa sukat ng
kanilang kaloob at ayon sa intension ng kani kanilang mga puso. Wala sa laki o
dami ang basihan ng aking gantimpala kundi sa intensyon at tunay na
pagmamalasakit
Mangingibabaw ang pagmamahalan at
pagtutulungan. Tatawirin natin ang landas na madilim patungo sa isang landas na
maliwanag at mapayapa. Kakatok ako sa puso ng maraming tao. Bubuhos ang masaganang
pagpapala. Di mabilang na tulong ay patuloy na aagos hanggang sa tuluyan kang
makabangon. Iaangat kong muli ang iyong dangal, lalakad kang muli na taas noo,
at sasabihin mo na KARANGALAN KO ANG
MAGING ISANG PILIPINO. Ang madilim na nakaraan ay tila magiging isang
ala-ala na lang. Ang bawat bansa, ang bawat indibidwal, ang bawat mamamayan ay
magiging isa sa oras ng pagdadamayan. At kahit saang dako, ang DIWANG ITO NG
PAGMAMAHALAN AT PAGDADAMAYAN ang magiging sandata nyo sa anumag pagsubok na
kakaharapin ng ating INANG BAYAN.
(Quya Meng 11232013 12:45pm)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento